Suso at Alaala

Noong Biyernes, inabot ako ng dis oras ng gabi sa labas. Patay na ang lahat ng ilaw sa bahay. Tulog na ang lahat. Hindi ko alam kung bakit ko nakalimutan ang pinaka importanteng patakaran kapag magna-night out: ang pagdala ng sariling susi. Wala akong ibang pwedeng gawin kundi subukang gisingin ang isa sa aking mga kapatid. Habang papunta sa likod-bahay kung saan maabot ko sila sa pamamagitan ng kanilang bintana, kita ko ang mga itim na kuhol na gumagapang sa lupa. Nakakadiri. Pero parang pinaglalaruan ata ako ng tadhana: direkta sa paanan ng haligi, parte sa may bintana ng kwarto ng mga kapatid ko, ay may katipunan ng mga kuhol.

Nung bagong lipat pa lang kami sa lugar namin, mayroong palayan sa tabi ng lote namin. Mayroon din isang palayan sa unahan, at sa unahan pa ay mayroong taniman ng sibuyas. Dahil na nga tila sakahan na ang aming lugar noon, mayroon ding linya ng patubig na dumadaloy malapit sa amin. At dahil mayroong patubig ay laging basa ang lupa, paminsan-minsan ay umaapaw pa nga ang tubig at binabaha ang mga daanan. At dahil parating basa ang lupa, sagana ang mga suso, yung may mga malalaking punlo. Tuwing gabi, kapag umaapaw yung tubig o di kaya’y umulan, naglalabasan ang mga suso. Halos di mo na sila makita sa dilim at sa taas mga damo, pero alam mong nasa paligid lang sila. Minsan, huli na ang lahat–maririnig mo na lang ang langutngot ng kanilang punlo, nadurogang kanilang tahanan, ang kanilang pagkakakilanlan, sa ilalim ng iyong yapak.

Lumalalim na ang gabi ngunit di pa rin ako nakapasok sa bahay. Ang huling beses na ako ay nasa labas ay noong nagbabyahe kami papuntang San Jose City sa Nueva Ecija. Pansamantala kaming tumigil sa gitna ng daan dahil nasusuka dala ng pagkahilo sa byahe ang isa kong kasamahan. Dahil nahihilo rin ako, lumabas ako ng sinasakyan naming van upang lumanghap ng sariwang hangin. Bumungad sa akin ang malalawak na palayan, isa-isa sa magkabilaang bahagi ng daan. Napatingala ako sa kalangitan at bumungad sa akin ang maringal na kalangitan ng Nueva Ecija: walang ulap, walang skyglow o light pollution kaya malinaw ang kinam ng mga tala at banayad na liwanag ng buwan. Kung isasama ang huni ng mga palaka at kuliglig, halos magkatugma ang lahat ng ito sa aking tahanan bago pa naging sand & gravel factory ang katabing kapiraso ng lupa. Ito ay nag udyok sa akin na mapagtanto ang dalawang bagay: Una, lahat tayo, kahit saang sulok ng Pilipinas– mapa Luzon, Visayas man, o Mindanao– ay tumitingala lamang sa iisang kalangitan. Ikalawa, naramdaman ko na ako ay nasa tamang lugar, ramdam ko na isindya akong makapunta doon, sa gilid ng daan, sa gilid ng daan, sa harap ng palayan.

Sa wakas at nagising na nga ang isa sa mga kapatid ko. Lubos na guminhawa ang pakiramdam ko dahil ayaw ko nang manatili pa sa dilim, sa labas, kahit ni isa pang minuto. Napaisip ako na bihira na lang ako makakita ng mga suso na may punlo. Napalitan na sila ng mga itim na kuhol. Wala naman sila noong bagong lipat pa lang kami. San na kaya yung mga suso? Nakahanap na ba sila ng bagong tahanan? Nakapasok na ako sa loob ng bahay, ngunit ang aking isipan ay naiwan sa labas: sa mga suso, sa dilim, sa palayan ng Nueva Ecija, sa nakaraan.