Paglisan

Mag aalas singko na ng madaling araw nang kami ay sumakay ng traysikel papuntang terminal ng bus patungong San Fernando sa Pampanga. Di ko nakalimutan na magpaalam at magpasalamat sa aking mga co-fellows na gising pa noong oras na iyon sapagkat alam ko na matagal pang panahon ang lilipas bago kami ay magkita muli. Para sa mga tulog na o nakakulong na sa kanilang mga kwarto, nagiwan na lang ako ng maikling mensahe sa aming groupchat sa Messenger. Gayunpaman, Nalimutan ko na i-off ang WiFi setting ng aking telepono at nadiskubreng akoy nakaconnect parin ako sa WiFi ng hotel habang papalayo ang sinasakyang traysikel. Tiningnan ko na lang ang WiFi signal habang ito ay pahina ng pahina: four bars. three bars. two Bars. Hanggang sa tuluyan na ngang mawala ang signal. Sabay niyo, tuluyan ng naputol ang aking huling koneksyon sa lugar kung saan kami tumira ng apat na gabi at tatlong araw. Naputol man ang koneksyon, nakaukit naman ang WiFi Network na ito sa talaan ng aking telepono.

***

Habang nagaantay kami ng aming flight sa departure lounge ng Francisco Bangoy International Airport sa Davao City, naalala ko ang simula ng aking paglalakbay bilang isa manunulat. Ito ay matapos kong naisulat ang aking unang karanasan sa pagsakay ng eroplano kasama ang buong pamilya. Naaalala ko paano dumaloy ang mga salita sa aking isipan kung anu-ano ang mga nangyayari at kung paano ito ilarawan sa papel. Ang ginawa ko na lang ay inalala ang mga salita  sa abot ng aking makakaya at isinuulat ito sa isa lumang notebook, at inencode sa computer pagkatapos. Hindi ko pa alam kung ano ang tawag sa naging gawa ko pero pagkatagalan, nalaman ko na Creative Nonfiction pala ang tawag dito. Sa pagkakaalam ko, iyon ang bukod-tanging dahilan kung bakit ako nagsusulat ng Creative Nonfiction.

***

“…I’d be happy to offer Kurt a fellowship at the Nueva Ecija Workshop in February 2019…” basa ko sa Mensahe na pinadala ni sir Willi kay Kuya Jude matapos idineklara na nanalo ang aking sanaysay na pinamagatang “To Pull a Hook” sa kinauunahang Lagulad Prize, isang patimpalak ng mga personal na sanaysay sa aming rehiyon. Lubos ko itong ikinasaya sapagkat nabigyan ako ng isang malaking oportunidad upang mapabuti ang aking sining at makasalamuha ang iba’t ibang magagaling na mga manunulat galing sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Di ko inakalang aabot ako sa ganito matapos ng isang taon mula nung una kong sinubukan ang aking kamay sa pagsulat. Lubos akong nagpapasalamat kay Sir Willi dahil sa pagkakaton upang ako ay matuto, makapaglakbay, at makapag ipon ng mga materyales para sa mga susunod na mga proyekto.

***

Ayon pa kay Patricia Hampl, “What is remembered is what becomes reality.” Ngunit sa tatlong araw kong pananatili sa Nueva Ecija, ang aking alaala ay binubuo ng dalawangpu’t tatlong taong nakasama ko sa 3rd NEPEWW. Sila ang mga pirasong bubuo ng aking alaala at sila ang aking naging realidad sa aking naging unang pagpunta sa hilagang bahagi ng ating bansa. Kung tatanungin man ako kung saan ako nanggaling sa nakaraang mga araw, hindi “San Jose sa Nueva Ecija” ang isasagot ko kungdi: “Galing ako sa makabuluhang usapan, tawanan, kainan, kantahan, inuman, at kasiyahan kasama ang dalawampu’t tatlong makukulay na mga manunulat.”

***

Ramdam ko ang pagyanig ng eroplano habang ito ay rumaragasa sa runway ng Clark International Airport. Ramdam ko rin ang paglipad nito sa ere matapos maabot ang bilis para maka-take off. Sabay sa pagangat ng mga gulong nito mula sa lupa ng Pampanga ay ang pagkaputol ng aking pisikal na koneksyon sa aking mga co-fellows na naiwan sa isla ng Luzon. Gayunpaman, ang aming mga karanasan ay di mawawala sa aking isipan at magiging parte ng aking sarili habambuhay. Ang mga alaala magkasama naming binuo ay parang isang malaking WiFi Network, isang napakalakas na koneksyon na maguugnay sa aming lahat. Bihira naman magkakonektado, mananatili itong nakaudlot hanggang sa susunod naming pagkikita.